Ang Agosto ay Buwan ng Wikang Filipino sa Pilipinas. Kaya naman ang OSM Diary na ito ay isinulat ko sa aking lokal na wika. Ang Ingles na bersyon ay mababasa dito.
Noong nakaraang taon, namangha ako sa konsepto ng “inclusive mobility o inklusibong pagkilos” at nagsimulang gawin itong adbokasiya. Para sa akin, ang inklusibong pagkilos ay isang kalagayan kung saan lahat ay malayang nakakakilos saan man sa mundo at nakakagamit ng anumang uri ng transportasyon, at lahat ng kalye at tulay ay nadaraanan
Nakakahangang makita at maranasan ang mga kalsada sa Milan. Naniniwala akong naabot na nila ang estado ng inklusibong pagkilos kung saan lahat ng sasakyan at ang mga pedestriyan ay naisasaalang-alang sa proseso ng pagpaplano.
Pagpunta sa SotM 2018 sa Politecnico di Milano…
Ngayong taon, ang SotM ay ginanap sa Politecnico di Milano. Maraming paraan upang makapunta dito. Gamit ang maps.me, nagmumungkahi ito na maaring sumakay ng kotse, maglakad, gumamit ng bisikleta (maraming bike-share programs sa Milan ngunit hindi ko ito nasubukan :() o sumakay ng tren (ang mungkahi ay paggamit lang ng subway at hindi ng tram). Sa unang araw ng SotM 2018, nahuli ako ng gising kaya walang akong kasabay papunta. Nabigyan naman ako ng instruksiyon ng aking mga kasama kung paano makarating doon (Salamat Geoffrey at Tima!). Sumakay ako ng subway mula Republicca patungong Piola. Pagbaba sa Piola, naglakad ako ng halos 40minuto dahil mali ang lokasyong na-pin ko sa mapa. Alam kong naliligaw na ako kaya nagtanong na lang ako sa isa sa mga nakasalubong at nakarating rin sa Politecnico.
Hindi ko na naabutan ang unang bahagi ng SotM Day 1. Buti na lang at nairekord ang buong aktibidad at nailagay sa Youtube.
Pagsasama-sama (ingklusibiti), pagkakaiba-iba (daybersiti), at pangangatawan (representasyon)…
Bago ko to sinulat, pinanood ko muna ang Unang Pagsasalita nila Kate at Heather. Ibinahagi ni Heather ang limang sangkap ng pagiging “open” o bukas na organisasyon/komunidad na tinalakay ng OpenOrg. Isa dito ang inclusivity o pagsasama-sama na binigyang diin niyang isa sa mga mahirap na parte ng pagiging bukas na organisasyon.
Ang ingklusibiti o pagsasama-sama ay nangangahulugan na ang lahat ng tao, anuman ang kasarian, lahi, relihiyon, estado sa buhay, etc, ay kasakop at naikokonsidera. Relatibo dito ang konsepto ng pagkakaiba (daybersiti) at pangangatawan (representasyon). Kailangan ng pagkakaiba-iba o daybersiti sa mga taga-mapa sapagkat bawat isa ay mayroong iba’t-ibang perspektibo, pagpapahalaga at paniniwala. Ang mga perspektibo, pagpapahalaga at paniniwala ay kumakatawan o nagrerepresenta sa sektor kung saan sila kabilang.
Sa pamamagitan ng OSM, tayo ay konektado at nabubuklod ng isang bisyon na malayang paggawa at pag-eedit na mapa ng mundo. Ito ang ating shared landscape o lupaing pinagsasamahan.
Kaya natin hinihikayat ang pagkakaiba-iba at pagsasama-sama upang matiyak na lahat ay may representasyon at makikita sa mapa.
Kaya naman para sa akin, ang pagsasama-sama o ingklusibiti sa OSM ay kung saan lahat, saan man sa mundo, ay malaya at maunlad na nagmamapa.
Pagsasama-sama sa SotM 2018
Naniniwala akong mahusay ang pag-organisa upang gawing inklusibo ang kagaganap lang na SotM2018. Narito ang ilang sa mga obserbasyon at kwento ko ukol sa ingklusibong SotM 2018:
- Mula sa 56 na bansa ang mga lumahok. Ito’y higit pa sa ¼ ng lahat ng bansa sa mundo!
- Nagkaroon ng livestreaming ang mga sesyon para sa mga hindi nakapunta, ito ay nailagay rin sa Youtube pagkatapos
- Ang edad ng mga lumahok ay mula bata (nakilala ko si Austin na 18 taong gulang at may nakita rin akong bata na mga nasa eda 9-12 taong gulang) hanggang sa mga matatanda!
- Napakalaki rin ang nasaklaw ng mga presentasyon at talakayan ukol sa konsepto ng pagsasama-sama/ingklusibiti (sa tingin ko’y lahat naman ay may kinalaman at nahikayat ang pagiging inklusibo). Ito ay ilan lamang sa mga pangkalahatang paksa na aking narinig: * Pagkakaiba-iba ng kasarian: Open Gender Monologues by Heather Leson (OSM) and The road towards diversity in OSM still needs to be mapped by Celine Jacquin (Geochicas) * Iba’t-ibang kakayahan ng mga tao: mga may kapansanan, mga batang taga-mapa o youthmappers, mga nalipat/tumakas na komunidad, at mga mahihirap * Pag-iinterpoleyt ng numero ng mga tirahan * Mga diskusyon ukol sa inklusibong pagkilos! (Napakarami nito at marami rin dito ay hindi ko napuntahan ☹ ) * Mga gamit at pamamaraan sa pagmamapa para sa lahat! * Iba’t-ibang interpretasyon ng mga imahe at datos ng OSM mula sa iba’t-ibang lente/sektor! * OSM para sa pangangalaga ng kalikasan! * Academic tracks o mga akademikong pananaliksik ay naisama rin!
- Isa ako sa mga nabigyan ng Iskolarship ng OSM Foundation. Pantay ang bilang ng lalaki at babaeng nabigyan ng iskolarship mula sa iba’t-ibang bansa! Kudos sa OSMF sa pagbibigay ng pantay na oportunidad!
- Nakakalugod rin ang paghihikayat na magsulat ng OSM diary gamit ang sariling lenggwahe. Woohoo!
Pasasalamat…
Nais kong pasalamatan at batiin ang OSM Foundation (higit kila Rob at Dorothea), Wikimedia Italya at iba pang mga nagtaguyod, mga boluntaryo (Polimappers), mga nagbigay pinansyal, mga tagapagsalita, taga-pasilidad at mga nanalo ng OSM Award pati na ang iba’t ibang organisasyon at lokal na komunidad ng OSM at lahat ng dumalo ng SotM 2018. Ang aktibidad at karanasang ito ay hindi magiging matagumpay at kaaya-aya kung hindi dahil sa inyo.
Mabuhay ang OSM at malayang pagmamapa para sa lahat!
PS. Mayroon akong naisulat sa Twitter ukol sa mga bagay na napamahal/nagustuhan ko sa Milan.
Narito rin ang ilang mga litrato ng mga presentasyon at mga nakasama sa Milan.
Maraming salamat sa pagbabasa! :)